Chris Paul, Suns abanse na sa playoffs, sinunog ang Pelicans sa Game 6

Abanse na sa 2nd round ng NBA playoffs ang no. 1 seed sa Western Conference na Phoenix Suns matapos talunin ang New Orleans Pelicans sa Game 6.

Sumandal ang Suns sa nagbabagang kamay ni Chris Paul matapos magtala ng perfect shooting 14/14 record at humakot ng 33 points, 5 rebounds at 8 assists.

Tumulong naman sa scoring sina Deandre Ayton na nagtala ng 22 points habang may tig-13 puntos sina Devin Booker at Cameron Johnson.

Nagpalitan ng buslo ang dalawang koponan sa huling mga minuto ng laban subalit biglang umalagwa ang Phoenix sa pamamagitan ng tres ni Booker at lay-up ni Mikal Bridges.

Sinubukan pa ni Brandon Ingram na humabol subalit talbog sa ring ang huling tatlong tres nito.

Nanguna para sa Pelicans si Ingram habang kapwa humakot naman ng 16 puntos sina CJ McCollum at Herbert Jones.

Samantala, sa ibang laro pasok na rin sa next round ang Philadelphia 76ers matapos talunin ang Toronto Raptors sa Game 6 sa mismong home court nito.