Naghain na rin ngayong araw ng kani-kanilang kandidatura sa pagkasenador sina Senador Ramon Bong Revilla Jr. at dating senador Manny Pacquiao.
Ayon kay Revilla, kung palarin siyang manalo muli ay tutukan niya ang pagtugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, paghahatid ng mga pagkain sa bawat hapag at pagbibigay ng dagdag benepisyo para sa mga barangay workers, guro at iba pa.
Sa kabilang banda, target naman umanong bigyang-pokus ni Pacquiao ang ilang batas na naipasa niya noon at kabilang na rito ang pagpapatupad sa ‘Bible Holiday’ at pagbuo ng OFW handbook.
Iginiit din nitong wala siyang balak na gawing negosyo ang muling pagpasok sa pulitika bagkus gusto lang umano niya makagawa ng legacy sa kanyang termino.
Naniniwala naman si dating senador Bam Aquino na hindi maituturing na mababa ang kanyang rating sa isinagawang senatorial preference survey.
Bagamat makikita sa resulta ng Pulse Asia Survey na nasa ikalabingwalo hanggang ika-dalawampu’t walo ang kanyang ranking, na siyang kapareho ni dating senador Gringo Honasan.
Pagpapaliwanag niya, wala pa naman siyang ginagawang kampanya kumpara ng ibang kandidato, kaya para sa kanya mataas na ang ranking na ito.
Samantala, kumpiyansa rin umano siyang tataas na sa mga susunod na buwan ang kanyang rating dahil sa gagawin niyang pangangampanya sa social media at pagsandal sa mga volunteers.