CAMARINES NORTE- Nalagpasan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa lalawigan ng Camarines Norte ang collection goal noong 2021 sa gitna ng krisis na dulot ng COVID- 19 pandemic.
Ito ang inihayag ni Revenue District Officer Estrella Manalo sa naging panayam ng Brigada News FM Daet.
Ayon kay Manalo sa gitna ng mahirap na sitwasyong kinasasadlakan ngayon ng marami ay nakita umano ng BIR- RDO 64 ang kooperasyon ng mga taxpayer sa lalawigan kaya’t hindi lang naabot kundi nalagpasan pa ang collection goal.
Naitala ng BIR- RDO 64 ang P88. 8 million total collection para sa buwan lang ng Disyembre 2021 na lagpas ng P17. 9 million sa goal na P70. 8 million o pagtaas ng P20. 89 % kumpara sa kaparehong panahon noong 2020.
Malaking bagay aniya sa pag abot ng kanilang collection target ang tulong at kooperasyon ng mga Lokal na Pamahalaan dahil sa dami ng ipinapatupad na proyekto kaya’t mayroong increase sa withholding taxes.
Bukod dito, mayroon ding increase sa pagbabayad ng iba pang taxpayers.
Ngayong 2022 ay wala pa umanong ibinibigay na goal ang Head Office ng BIR kaya ang target pa ring maabot o malagpasan ay ang halos P1 bilyon goal noong 2021 para sa lalawigan.
Nagpasalamat naman si Manalo sa lahat ng taxpayer ng Camarines Norte dahil umano sa kooperasyon ng mga ito sa mga programa ng BIR sa pamamagitan ng pagbabayad ng tamang buwis lalo pa ngayong lubhang kailangan ng gobyerno ang pananalapi.
“I would like to take this chance to express our sincerest thanks to all the taxpayers of RDO 64 for their kind and support and participation dun sa ating mga programs despite the pandemic, nag- cooperate pa rin po sila, we were able to meet our goal because of them,” ani Manalo.
“Kailangan po ng government ang ating tulong at salamat sa kanilang tulong and I hope they will continue their support to us by paying their correct amount of taxes”.
Nilinaw naman ni Manalo na ang ini- impose na buwis ng gobyerno ay nakapaloob sa tax code.
Samantala, hinimok rin ng BIR na gamitin ang existing online payment channels tulad ng LandBank’s Link.Biz.Portal, DBP Paytax Online gayundin ang GCash at PayMaya.
