CAMARNES NORTE- Nanindigan ang isang opisyal ng Department of Health sa rehiyon na hindi labag sa karapatang pantao ang paglimita sa galaw ng mga hindi pa bakunado kontra COVID- 19.
Sa virtual press conference nitong Huwebes, sinabi ni DOH Bicol Assistant Regional Director Dr. Ferchito Avelino na hindi paglabag sa karapatang pantao ang paglilimita sa paglabas ng bahay at pagalaw ng mga taong hindi bakunado.
Aniya dapat maintindihan ng lahat na mas mataas ang karapatan ng nakakarami kaysa sa ilan lamang kaya hindi umano dapat isipin lang ang sariling karapatan.
Mas mahalaga umano na maprotektahan ang nakakaraming populasyon
Ayon kay Avelino kung ayaw magpabakuna ay huwag din umanong lumabas ng bahay dahil sa panganib na dala nito lalo na kung tamaan ng COVID- 19.
Hindi naman daw kasi iisang tao lang ang apektado sakaling tamaan ng sakit ang hindi bakunado kundi ang buong komunidad at public health.
“Kun dae po kamo mapabakuna, dae po kamo magluwas ta kamo po ang most at risk, kamo po an mas magiging problema kun kamo po magkahelang nin Covid- 19,” ani Avelino.
At sa gitna ng banta ng Omicron variant, binigyang diin ng doktor ang kahalagahan ng pagsunod sa health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask, social distancing, palagiang paghuhugas ng kamay at huwag nang lumabas ng bahay kung hindi rin lang kailangan.
Samantala, naging matipid naman ang pahayag ni DOH Bicol Regional Director Dr. Ernie Vera nang matanong kung pinagkakakitaan ba ng departamento ang bakuna.
Hiningi ang komento ni Vera pero sa halip na patulan pa ito ay sinabi na lamang niyang “fake news” at hindi na nagbigay pa ng pahayag tungkol dito.
