Kinumpirma ng 5th Infantry Division Philippine Army na wala pang direktang namomonitor na pagkilos ng mga CPP-NPA-NDF ngayong nagsimula na ang paghahain ng certificate of candidacy.
Ito ay batay sa pagpapahayag ni Army Major Jekyll Dulawan ang Chief DPAO ng 5TH ID,PA sa 29th na episode ng UP-UP Cagayan Valley.
Aniya, sa nangyaring sagupaan sa Sta. Teresita Cagayan ay nagpapatunay umano na mayroong isinasagawang pagpapalakas ng mga makakaliwang pangkat.
Gawain umano ng mga ito na magsagawa ng opensiba upang ipakita na pagmamay-ari nila ang isang lugar upang pagdating ng campaign season ay sasamantalahin na ng mga ito ang paghingi ng pera sa mga pulitiko.
Dagdag pa ni Maj. Dulawan, mayroong scheme ang CPP-NPA-NDF na permit to campaign at permit to win sa mga kandidato.
Dahil dito, hinikayat ni Maj. Dulawan ang mga kandidato sa kanilang nasasakupan na makipag-ugnayan lamang sa kanilang hanay kung may natatanggap na mga extortion letters.
Ito ay upang tuluyan nang maputol ang resource generation scheme ng mga makakaliwang pangkat upang mawakasan na ang problema sa insurhensiya.
Images: Screen shot from UP-UP Cagayan Valley 29th episode