Bukas ang bagong singer ng Star Magic na si Sab na sumabak sa iba’t-ibang crafts tulad ng pagsayaw at sa aktingan.
Sinabi ito ni Sab sa ginanap na media conference para sa Star Magic Black Pen Day.
Sa katunayan ay nag-uumapaw na ang mga talento ni Sab sa iba’t-ibang larangan dahil bukod sa pagkanta, ay may kahusayan rin ito sa paggamit ng ukelele at sa pag-co-compose ng kanta.
Pero ayon sa 19-anyos na dalaga, ready siyang sumabak sa workshop lalo na kung may kinalaman ito sa pagsasayaw.

Tinukoy ni Sab ang kaniyang kakayahan sa pagsasayaw bilang “very stiff”.
Natanong naman sa media conference kung ready na ba si Sab bilang bagong talent ng Star Magic, na tumanggap ng mga kritisismo lalo na mula sa bashers.
Ayon kay Sab, personally ay ready na siya para sa bashers, dahil bahagi ito ng negatibong aspeto ng industriya na hindi makokontrol.
Inihayag ni Sab na imbis na panghinaan ng loob mula sa mga kritisismo ay gagamitin niya ito bilang kaniyang motivation para pagbutihin ang sarili.
Mababatid na nagawa na ni Sab na makapag-release ng tatlong singles simula noong nakaraang taon sa ilalim ng Star Music.
Patok rin sa iba’t-ibang online platforms ang cover ni Sab sa iba’t-ibang mga kanta kabilang na ang “He’s Into Her” theme song.
Gayunman, isa sa mga pinakamalaking milestones ni Sab ay ang pagkaka-feature na orihinal niyang kanta na “She” sa award winning K-Drama na “Flower of Evil”.
Pero bago yan ay nagamit na rin ang nasabing kanta sa BL series na “Hello Stranger.”