SORSOGON CITY – Kinumpirma ni Basud Barangay Captain Eduardo Yuson na mahigpit nilang ipinapatupad sa kanilang barangay ang liquor ban na inimplementa ng City Government.
Sa pahayag ng opisyal, sinabi nito na bukod sa mahigpit na monitoring at pagbabantay na kanilang ginagawa sa aktibidad ng kaniyang mga residente, kanila na ring inabisuhan ang mga may-ari ng tindahan sa kanilang lugar na bawal ang pagtitinda ng mga inuming nakalalasing.
Kaugnay nito, umapela pa rin ang opisyal sa kaniyang mga residente na sumunod sa nasabing mga patakaran upang makaiwas sa anumang penalidad.
Samantala, bukod sa liquor ban, tiniyak din ng opisyal na maayos na nasusunod sa kanilang lugar ang health protocols. Katunayan aniya ay regular na nag-iikot ang kanilang mga tanod lalo na sa gabi upang matiyak walang mga residenteng lalabag dito partikular na ang tungkol sa pagsusuot ng face mask, face shield, at ang curfew ordinance.
Katuwang din umano nila sa pagpapatupad ng nasabing polisiya ang City PNP.
Pagtitiyak ng opisyal, iisyuhan nila ng citation ticket ang sinumang mahuhuling lalabag sa nasabing mga minimum health standard.
Una rito, sinabi ng opisyal na nasa 10 indibidwal na ang kanilang naisyuhan ng citation ticket mula nang kanilang ipinatupad ang nasabing panuntunan sa kanilang barangay.
