Winelcome ng Pilipinas kagabi ang pagdating ng mahigit 180,000 doses ng Pfizer vaccine mula sa COVAX facility.
Ayon sa Bureau of Customs, ang nasabing batch, na dumating kasunod ng mas malaking batch na nakarating sa Pilipinas noong Miyerkules, ay naglalaman ng 188,370 doses, na donasyon sa bansa ng COVAX, na isang global COVID-19 vaccine sharing program na pinangungunahan ng World Health Organization at ng Gavi Vaccine Alliance.
Dumating ang mga bakuna sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bandang alas-10 ng gabi.

Sinalubong naman ito ni National Task Force Against COVID-19 Assistant Secretary Wilben Mayor.
Sinabi ni Mayor na nais pasalamatan ng gobyerno ang COVAX dahil sa donasyon nitong Pfizer vaccines.
Anya, malaking tulong ito sa mga Pilipino, lalong-lalo na sa mga may sakit.
Ipinunto niya na ipapamahagi ang mga bakuna sa mga probinsya na hindi pa nakakatangap ng nasabing brand.