Hindi nagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbabanta ni Senator Richard Gordon noon na ipatigil ang COVID-19 testing na tulong ng Philippine Red Cross sa gobyerno sa gitna ng pandemya.
Binigyang diin ng Pangulo sa isang pre-recorded Cabinet briefing na nagbanta ang PRC, na isang humanitarian organization, na ipatitigil nito ang testing sa gitna ng pagkukumahog ng gobyerno na makahanap ng pondo para rito.
Nanindigan rin ang Pangulo na “unethical” na pinamumunuan ni Gordon ang Red Cross, habang nagsisilbi ito bilang senador.

Ipinunto ng Pangulo na ang ipinakikitang “bossy” na pagtrato ni Gordon sa Red Cross ay hindi sumasalamin sa tunay na trabaho ng nasabing humanitarian organization.
Napuna rin ng Pangulo ang ginawang COVID-19 testing ng Red Cross, na dapat anya ay isang non-profit organization.
Sinabi ng Punong Ehekutibo na sa ilalim ng pamumuno ni Gordon, ay naningil ang Red Cross ng mataas para sa COVID-19 testing, at hindi rin ito nagbibigay ng diskwento para sa mga senior citizens at may kapansanan na labag anya sa batas.
Matatandaan na pinangungunahan ni Gordon ang imbestigasyon sa Senado na may kinalaman sa overpriced COVID-19 equipment na binili ng gobyerno.