Pinagsasaksak hanggang sa mamatay ang isang babae sa loob ng kanyang bahay sa Indang, Cavite.
Ayon sa Indang Municipal Police Station, posibleng obsession ang motibo sa krimen.
Base sa insiyal na imbestigasyon, kinuha ng ama ng biktima ang asawa ng suspek bilang kasambahay dahilan para tumira ang mag-asawa sa bahay ng biktima.
Pero nang mamatay ang ama nito, umuwi na ang babaeng kasambahay sa Samar habang nanatili naman ang suspek sa Indang para magtrabaho bilang construction worker.
Madalas din umanong binibisita ng suspek ang biktima dahilan para maghinala ang mga kaanak nito na may nararamdaman siya para dito.
Bago mangyari ang krimen, pinasok ng suspek ang bahay ng biktima pero makalipas ang ilang sandali, humingi ng tulong sa kamag-anak ang duguang biktima na may nakasaksak pang patalim sa kanyang likuran.
Dinala pa siya sa ospital pero idineklara itong dead on arrival.
Nakatakas naman ang suspek na tinutugis na ngayon ng mga pulis.