Kinumpirma ng Anti-Money Laundering Council na sinimulan na nito ang pag-freeze sa bank accounts at assets nina Kingdom of Jesus Christ founder Apollo Quiboloy at dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Sa plenary debates para sa proposed budget ng AMLC sa 2025, sinabi ng sponsor na si Assistant Majority Leader Jil Bongalon na nitong Agosto ay umabot na sa 85 million pesos ang halaga ng bank accounts at ari-arian ni Quiboloy na na-freeze.
Pero may iba pa aniyang bank accounts si Quiboloy na tinitingnan ang AMLC.
Kay Guo naman ay umabot na sa 464 million pesos na halaga ng ari-arian ang na-freeze ng AMLC.
Kasama rito ang labintatlong transferred certificate of titles, bank accounts, labindalawang sasakyan at isang helicopter.
Pag-amin ni Bongalon, nang umarangkada ang imbestigasyon sa dating alkalde ay sinusubukan nang ibenta ang mga property at ilan sa mga ito ay sa murang halaga habang may mga na-withdraw na rin sa bank accounts.
Sa kabila nito, siniguro ng AMLC na nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon lalo’t puspusan ang pagsisiyasat sa mga kuwestyonableng yaman nina Guo at Quiboloy.