Pinauuwi ng Department of Foreign Affairs sa bansa ang Philippine ambassador to Saudi Arabia para sumailalim sa “home office consultations.”
Ito ay matapos lumabas sa viral video ang asawa ni Ambassador Adnan Alonto na nangangampanya para kay dating Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa video ay makikita ang misis ng ambassador na may suot-suot na BBM 2022 t-shirt habang nagsasalita sa isang pagtitipon.
Doon ay hinimok ng asawa ng ambassador ang mga tao na bumoto upang muling magkaroon ng Ilocano president ang bansa.
Kita rin sa paligid ng lugar na nagkalat ang mga posters ni Marcos at ng running mate nito na si Davao City Mayor Sara Duterte.
Ipinaalala naman ng DFA sa mga tauhan nito na ipinagbabawal ang partisan political activities bago ang May 9 elections.
