Bihar, INDIA– Namangha ang mga bata sa kakaibang disenyo ng silid-aklatan o library na may layuning hikayatin at mapa-unlad ang gawi ng pagbabasa ng mga mag-aaral sa paaralan ng Shivesinghpursa, Samastipur District sa Bihar, India.
Ayon kay Meghan Sahni, principal ng paaralan at siyang nagdisenyo ng library, naisipan niyang ihawig sa aircraft o eroplano ang konsepto nito dahil karamihan sa kanilang mag-aaral ay mula sa rural areas na hindi pa nakakakita ng eroplano, kung kaya’t bukod sa layuning hayaan silang maranasan ang parehong kagalakan ng pagsakay sa isang eroplano, ay ma-engganyo din sila sa pagbabasa ng mga aklat.
Dagdag pa niya, kulang umano ang pondo ng kanilang gobyerno kung kaya’t ang pera mula sa sarili niyang bulsa ang kanyang ginamit upang maisakatuparan ang proyektong ito na inabot sa 200, 000 indian rupees o aabot sa mahigit P100, 000.
Maraming magulang rin umano ang gustong ipasok ang kanilang mga anak sa nasabing paaralan hindi lang dahil sa “airplane library”, kundi dahil din sa kalidad ng edukasyon na mayroon ito.
Samantala, umani ng papuri at binigyang parangal ng departamento ng edukasyon ng Bihar si Sahni dahil sa “innovative idea” nito na malaki ang ambag sa edukasyon ng mga mag-aaral sa nasabing lugar.
Kamakailan lang ay may isang paaralan na mula rin sa nabanggit na distrito ang nagdisenyo ng silid-aralan o classroom na inihawig sa isang “train compartment” na may layuning ipakilala sa mga mag-aaral ang kasiyahan ng pag-aaral.### RHODA REODIQUE- Intern