Nilinaw ng Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR na mayroon pa naman silang mapagkukuhaanng pondo para sa iba’t iba nitong proyekto matapos ang naging order ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipahinto na ang operasyon ng online sabong.
Sa isang panayam, sinabi ni Atty. Jose Joey Tria Jr., ang PAGCOR vice president for Internet gaming licensing and regulation group, inilalatag na nila ang mga iba ang maaaring source ng pondo.
Matatandaan kasing kay Pangulong Duterte na mismo nanggaling na aabot sa P640Million ang mawawala sa revenue ng Gobyerno kada buwan dahil sa closure ng e-sabong.
Una na ring sinabi ni PAGCOR Chairperson Andrea Domingo na tinatayang aabot ng hanggang sa P6Billion ang mawawala sa kita ng Gobyerno ngayong taon.

Ayon kay Atty. Tria, mayroon pang ibang mga uri ng gaming na maaari nilang maging source ng pondo para sa mga proyekto nito.
Aniya, bagamat mayroon daw talagang epekto ang closure ng e-sabong lalo na’t malaking bahagi ng income ng PAGCOR ay galing rito, sisikapin daw nilang maka-bunot ng pondo mula sa iba pang mga uri ng gaming na sanctioned ng PAGCOR.
Sa kasalukuyan, wala pa umano silang natatanggap na apela mula sa mga e-sabong operators na magkaroon ng reconsideration o pagbigyan ang kanilang operasyon.
#