Suportado ni Pangulong Bongbong Marcos ang paggamit ng lumang sistema sa pagresolba ng mga isyu sa right of way o ROW upang mapabilis ang pagkumpleto ng mga pangunahing proyekto sa imprastruktura sa bansa.
Sa ginanap na pulong kamakailan sa Malacañang kasama ang Private Sector Advisory Council-Infrastructure Sector Group o PSAC-ISG, sinabi ni Pangulong Marcos na mas mainam na gamitin ang dating sistema ng pag-secure ng writ of possession.
Sa ilalim ng sistemang ito, pagkatapos magbayad ng gobyerno ng 15% na paunang bayad, maituturn-over na sa pamahalaan ang ari-arian na apektado ng ROW process.
Kung maghahabol man ang may-ari hinggil sa valuation, maaari itong ayusin sa korte, ngunit kailangang masimulan na ang proyekto.
Inirekomenda naman ng PSAC-ISG ang pagbubuo ng isang right-of-way technical working group na katulad ng inter-agency committee ng ROW sa national railway project, upang i-streamline ang pagkuha ng ROW sa mga pangunahing Infrastructure Flagship Projects tulad ng mga toll road, paliparan, at pantalan.
Ilan sa mga pangunahing Infrastructure Flagship Projects ng DPWH at DOTr na nakakaranas ng mga isyu sa ROW ay ang Cagayan de Oro Diversion Road Extension (Junction Sayre Highway-Manolo Fortich-Malitbog-Claveria-Eureka, Gingoog City Road); Davao City Bypass Construction Project; Samal Island-Davao City Connector Bridge; LRT-1 Cavite Extension Project; at EDSA Greenways Project.