Isandaan at animnapu‘t pitong kongresista ang dumalo sa ika-labingsiyam na BPSF at ikawalo sa buong Mindanao kasama sina House Speaker Martin Romualdez at si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na “present” sa kauna-unahang pagkakataon.
Pumalo rin sa pinakamalaking bilang ang nahatiran ng cash assistance at iba’t ibang serbisyo ng gobyerno sa ilalim ng BPSF na nasa 250,000 beneficiaries at nagkakahalaga ng 913 million pesos.
Animnapu’t dalawang ahensya ng pamahalaan ang naghatid ng mahigit dalawandaang serbisyo samantalang 483 million pesos ang tulong pinansyal.
Kasama naman sa 429 million pesos na in-kind assistance ang health services, agricultural, livelihood at edukasyon.
Bukod dito, walumpung libong indibidwal ang nakinabang sa payout ng Department of Social Welfare and Development sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS.
Kasabay ng BPSF, namahagi si Romualdez ng tatlongdaang libong kilo ng bigas sa libu-libong benepisiyaryo.
Sa kanyang mensahe, ibinida ng House Speaker na lampas dalawang milyong Pilipino na ang natulungan ng BPSF kasabay ng paggiit na patuloy na humahanap ng paraan ang gobyerno upang iahon sa kahirapan ang bawat pamilya.
Biro pa ni Romualdez, dapat ay nagpapahinga o umuuwi sa kani-kanyang distrito ang mga sumamang kongresista kaya dahil kalahati ng plenaryo ang dumalo ay idineklara nitong may “quorum”.