KORONADAL CITY- PITUMPU’T tatlong mga dating miyembro ng New People’s Army o NPA sa lalawigan ng South Cotabato ang nakatanggap ng ayuda mula sa gobyerno sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).
Ayon kay 1st Lt. Krisjuper Andreo Punsalan, civil-military operations officer ng 5th Special Forces Battalion ng Philippine Army na ang mga ito ay sumuko noong nakaraang taon na kinabibilangan ng 8 mga Indigenous People (IP) mula sa bayan ng Lake Sebu.
Sa ilalim ng E-CLIP, ang mga former rebels ay makakatanggap ng immediate and reintegration assistance mula sa local government units, firearms remuneration at livelihood grants mula sa national government.
Sa lalawigan ng South Cotabato, ang immediate at reintegration assistance grants ay nagkakahalaga ng P5,000 hanggang P20,000.
Maliban dito, nagbigay din ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Social Welfare and Development ng livelihood assistance na P 20,000 hanggang P 50,000 sa mga dating rebelde.
Ang firearms remuneration ay nagkakahalaga ng P10,000 hanggang P 200,000 depende sa klase ng armas na kanilang isinuko.
