KORONADAL CITY — UMAABOT sa 34 na mga high-powered firearms at mga bomba na pinaniniwalaang pagmamay-ari ng mga rebeldeng New People’s Army o NPA ang nahukay ng militar sa bulubunduking bahagi ng Esperanza, Sultan Kudarat.
Ayon kay Lt. Col. Romel Valencia, 7th Infantry Battalion commander, na inilibing sa mababaw na hukay ang nasabing mga armas at bomba sa kagubatang bahagi ng Barangay Marquez ng bayan.
Nahukay umano ang nasabing nga mga armas at bomba ayon na rin sa impormasyon na ipina-abot ng mga sibilyan.
Ang nasabing mga armas at bomba ay pagmamay-ari umano ng NPA Far South Regional Commitee Base na nagsasagawa ng kanilang operasyon sa paanang bahagi ng Daguma Mountain Range.
Naniniwala naman si Valencia na malaking kawalan sa mga NPA ang mga nadiskubreng armas at bomba ng mga ito na ginagamit umano ng grupo sa kanilang mga pag-atake.
