Ipinakita na ng Philippine Olympic Committee ang mga properties sa Barangay San Jose, Tagaytay, na ipinangako nito para sa Olympic medalists na sina Hidiyln Diaz, Carlo Paalam, Nesthy Petecio, at Eumir Marcial.

Buo at fully furnished na ang bahay para sa weightlifter na si Diaz, na kauna-unahang Olympic gold medalist ng Pilipinas.

Kasabay nito ay isinagawa naman ang ground breaking ceremony para sa mga bahay ng mga boksingero at silver medalists na sina Paalam, Petecio, at bronze medalist na si Marcial.

Mababatid na single-detached, may dalawang bedroom, at attic units ang mga nasabing bahay na tinatayang nasa P5-milyong ang halaga.

Sinimulan ang konstruksyon sa tatlong bahay noong Martes, habang inaasahan na matatapos ang mga ito sa Disyembre.

Bukod sa mga bagong bahay ay nakatanggap sina Diaz, Petecio, at Paalam ng mga sasakyan kabilang na ang 13-seater Foton Transvan, isang Chery Tiggo 2 Crossover SUV, at isang 13-seater Foton Gratour M/T MPV.

Para naman sa bahagi ni Marcial ay nakatanggap siya ng P300,000 mula sa Foton.

Una nang nakatanggap si Diaz ng brand-new Kia Stonic.

Tinatayang nasa P1.16-million ang suggested retail price ng 13-seater transvan, nasa P695,000 naman ang Crossover para sa A/T variant at P770,000 para sa M/T variant, habang nbaibebenta naman ang Gratour M/T variant sa presyong P625,000.