Dumipensa kaagad ang Department of Budget ang Management matapos isisi sa kanila ng Department of Health ang mabagal na pagkaka-release ng bilyon-bilyong piso na pondo para sa special risk allowance (SRAs) ng healthcare workers.
Sinabi ni DBM officer-in-charge Tina Rose Canda na 13 araw ang itinagal ng pagpirma ng DOH sa isang joint circular para sa guidelines ng grant ng SRAs.
Ayon kay Canda, nailabas ng Office of the President ang Administrative Order noong June 1 kung saan ay nakasaad ang mga panuntunan ng SRAs.

Aniya, noong June 3 natanggap ng DBM ang AO, na agad naman napirmahan ni dating Budget Secretary Wendel Avisado sa parehong araw.
Ipinunto niya na umabot pa sa June 16 ang pagpirma ng DOH sa joint circular, hanggang sa tuluyan na itong naipasa noong June 23.
Iginiit ni Canda na hindi pwedeng mag-release ng pondo ang DBM na walang request.
Una nang ibinaling nina Health Secretary Francisco Duque at Health Assistant Secretary Maylene Beltran ang sisi sa DBM dahil nakuha nila ang Special Allotment Release Order (SARO) noong June 25 kahit sa June 30 ang expiry ng batas na Bayanihan 2.
Ibig sabihin kasi ay nabigyan lamang sila ng limang araw para ayusin ang mga dokumento para sa SRAs.