CAMARINES NORTE- Babalangkasin ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) katuwang ang Local Government Unit ang 3- year development plan para sa Fishery Sector sa lalawigan ng Camarines Norte.
Ayon kay Nilo Consuelo Production Division Head ng BFAR Regional Office, kapag ang resources ng ahensiya at LGU ay napag- iisa tiyak na maraming hanapbuhay ang matutulungan.
Kabilang sa bagong teknolohiya na ipapakilala dito sa lalawigan ay ang Mariculture farm.
Kulang na daw kasi ang nahuhuling isda sa dagat kaya maglalagay ng cage kung saan ito pwede.
Dito ay kaunti umano ang investment kumpara sa fish pond pero mataas ang produksyon at ito naman umano ang nais talaga ng ahensiya na palakasin ang aquaculture.
Ani Consuelo dapat talagang buhayin ang sariling bansa dahil hindi umano pwedeng umasa sa iba tulad na lamang ng nangyayari ngayon na kapag mayroong giyera o gusot sa pagitan ng mga bansa ay naiipit ang mga produkto.
Binalaan naman ni Consuelo ang mga nakatanggap ng bangka mula sa BFAR na huwag itong ibenta sa halip ay alagaan at pagyamanin.
Maaring matanggal sa listahan ng registry ng fisherfolk ang nagbenta at hindi na ito kailanman makakatanggap ng tulong mula sa gobyerno.
Ginagawa umano ang mga ganitong tulong upang maramdaman ng maliliit na mangingisda at magsasaka na mayroong gobyernong umaalalay.
