CAMARINES NORTE- Inihayag ng Primewater na kailangan muna umanong pag usapan kasama ang Board of Directors ng Camarines Norte Water District (CNWD)at legal team ang hirit ni Governor Ricarte “Dong” Padilla na tanggalin na ang minimum billing policy sa bayarin sa tubig.
Kasunod yan ng kahilingan ng Gobernador sa pakikipagpulong nito sa Primewater at CNWD management na tanggalin na ang paniningil ng minimum rate sa halip ay ibase na lamang sa aktuwal na kunsumo ng kunsomidores.
Pero ayon kay Primewater Branch Manager Engr. Mark Antony Muroda kailangan pa nila itong talakayin kasama ng BOD dahil ang minimum billing policy ay nakapaloob sa Presidential Decree 196.
Titingnan umano nila kung kakailanganin ang resolusyon mula sa Board at Local Water Utilities Administration (LUWA) para baliktarin ang probisyon ng naturang batas patungkol sa mga water district.
Tugon ito ni Muroda ng matanong ng Brigada News FM Daet kung posible bang maipatupad ang hirit ni Gov. Padilla.
Sa ngayon umano ay nagbibigay naman sila ng exemptions sa mga lugar na may problema sa suplay ng tubig.
Aniya, makikipag usap sila sa tamang ahensiya kaugnay sa kahilingang ito ng Gobernador kung pwedeng ipatupad sa lahat.
Kung maalala, 2019 pa nang hilingin ng Sangguniang Panlalalawigan sa pamamagitan ng isang resolusyon ang pagpapawalang bisa sa minimum billing policy dahil marami umanong konsumidores ang hindi naman umaabot sa minimum rate ang nakukunsumong tubig.
