3 pulis na sangkot sa “enforced disappearance’ ng 2 lalaki sa Cavite, pinasisibak

Inirekomenda ng Philippine National Police – Internal Affairs Service (IAS) ang pagsibak sa serbisyo ng tatlong pulis at ang pagsuspinde sa isa pang pulis na sangkot sa sapilitang pagkawala ng 2 lalaki sa isang hindi awtorisadong checkpoint sa Imus, Cavite noong July 13, 2023.

Ayon kay IAS Inspector General Atty. Brigido Dulay, sa isinagawang imbestigasyon, natuklasan na ang mga pulis na sangkot ay off duty at walang otoridad na magsagawa ng checkpoint.

Read More:  Senate minority walks out over proposed rules change

Bukod pa rito, inamin ng mga kasamahan ng mga pulis na ang mga lalaki ay hinuli dahil sa diumano’y pagdadala ng marijuana at drug paraphernalia, ngunit walang opisyal na rekord o pag-turnover ng mga nasamsam na bagay ang isinagawa.

Sa ngayon, nasampahan na ng administratibong kaso ang naturang mga pulis dahil sa paglalagay ng hindi awtorisadong checkpoint, arbitrary detention, kabiguang i-turnover ang mga inarestong lalaki sa tamang awtoridad sa loob ng makatwirang panahon, kabiguang isumite ang mga nasamsam na item, at sa sapilitang pagkawala ng 2 lalaki.

Read More:  DOLE Region III director suspended following Pampanga building collapse

Giit ni Dulay, hindi nila pahihintulutan ang anumang pang-aabuso sa kapangyarihan o maling pag-uugali, lalo na mula sa mga pulis na may tungkuling protektahan at pagsilbihan ang publiko.

Matapos ang rekomendasyon, ang PNP na ang bahala kung kakatigan nila at ipatutupad ang dismissal.