LEGAZPI CITY – Aabot sa mahigit sa P2.6M ang halaga ng iligal na droga ang nakumpiska ng mga otoridad mula sa dalawang lalaki at isang menor de edad sa isinagawang drug buy-bust operation sa Maharlika Highway, Purok Carnation, Brgy. Ubaliw bayan ng Polangui, Albay.
Kinilala ang mga naaresto na sina alyas “Bert”, 47 anyos, alyas “Ryan”, 19 anyos at isang menor de edad na pawang mga residente ng Sitio Nazareth, Brgy. San Isidro, Parañaque City.
Isinagawa ng pulisya ang nasabing operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto sa nasabing mga suspek matapos makabili ang poseur buyer ng isang large pack knot na nakatali sa transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu at may bigat na 50 gramo kapalit ng PHP120,000.
Maliban dito, sa isinagawang body search, nakuha sa mga suspek ang humigit-kumulang 300 gramo ng kaparehong item na may street value na PHP2,040,000 at humigit-kumulang 130 gramo ng hinihinalang cocaine na may street value na PHP689, 000.
Sa ngayon ang mga suspek ay dinala sa Polangui MPS kasama ang mga nakumpiskang drugs at non-drug items para sa kaukulang disposisyon.