Gigi de Lana, humahanga kina Regine Velasquez at Gloc-9

Nagpasalamat ang social media celebrity, aktres at singer na si Gigi de Lana kay Regine Velasquez-Alcasid matapos siyang ipasok nito sa ASAP Natin to’ kung saan ay nakapag-perform siya ng live.

Si de Lana ay ang isa sa mga pinakabagong addition sa roster ng mga artist ng Kapamilya channel.

Sa isinagawang Star Magic Black Pen Day media conference ay sinabi ni Gigi na hindi siya makapaniwala noon na ang dati niyang iniidolo, ay kaniya nang makakausap at makakaharap.

Aminado naman si Gigi, na dating semifinalist sa Tawag ng Tanghalan, na kung mabibigyan siya ng pagkakataon ay pangarap niya na maging regular sa nasabing noon time variety show.

Matatandaan na kabilang sa mga pyesa na inawit noon ni Gigi sa kaniyang pagsabak sa Tawag ng Tanghalan ay ang mga awitin ng kaniyang idol Regine.

Bukod kay Regine ay ibinunyag ni Gigi sa parehong media conference na hinahangaan niya ang rapper na si Gloc-9 dahil sa kahusayan nito na gumawa ng kanta.

Kung mabibigyan si de Lana ng pagkakataon ay nais niya rin gumawa ng cover ng kanta ni Gloc-9 at kung papalarin naman ay nais niya rin magkaroon ng kolaborasyon kasama ang nasabing rap artist.

Kamakailan lang ay nag-viral ang “Bakit Nga Ba Mahal Kita” challenge ni Gigi kung saan ay na-prank siya ng kaniyang mga kabanda dahil sa patuloy na pagtaas ng tono nito habang siya ay kumakanta.

Samantala, inaasahan naman na mapaparami na rin ang acting projects ni Gigi ngayong bahagi na siya ng Rise Artists Studio, at talent ng Star Magic. // RAMAK KOWSARI

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *