13 brgy. sa 6 na bayan sa Batangas, apektado ng makapal na usok mula Bulkang Taal

Kasalukuyang nakakaranas ang 13 barangay mula sa anim na bayan sa lalawigan ng Batangas ng mas makapal na usok mula sa Bulkang Taal.

Kabilang dito ang Barangay Poblacion at Sinturisan sa San Nicolas; Gulod, Buso-Buso, Bugaan West at East sa Laurel; Subic Ilaya, Banyaga, at Bilibinwang sa Agoncillo; Apacay sa Taal; Luyos at Boot sa Tanauan City; at San Sebastian sa Balete.

Ayon sa PHIVOLCS, simula pa kagabi ay tuloy-tuloy na ang pagbuga ng bulkan ng sulfur dioxide matapos ang nangayring phreato magmatic eruption.

Sa nakalipas na 24 oras, napakataas ang ibinuga nitong sulfur dioxide na umabot sa 13,287 tons.

Nasa 3,000 meters ang taas ng ibinuga nitong steam plumes at sulfur dioxide na tinangay ng hangin patungong southwest at southeast.

Dahil dito, pinag-iingat din ng PHIVOLCS ang mga taga- bayan ng Sta Teresita at Alitagtag dahil posible din doon ang mas makapal na volcanic smog.

Samantala, mula kagabi hanggang kaninang umaga ay nagkaroon din ng mahihinang lindol sa Mabini Batangas, na ayon sa PHIVOLCS ay  may kinalaman sa bulkang Taal.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *