WHO, inirekomenda ang iba’t ibang paraan para mapabilis ang pagbabakuna sa mga senior citizen

Inirekomenda ng World Health Organization- Philippines (WHO) sa mga lokal na pamahalaan ang ilang mga diskarte at paraan upang mapabilis pa ang bakunahan kontra covid-19 sa mga nasa A2 category o mga senior citizens sa bansa.

Ayon kay Jun Ryan Orbina, Communication Officer for Immunization ng WHO-Philippines, kailangang gumawa ng iba’t-iba mga paraan para mas madami pang mga nakatatanda ang mabakunahan at magkaroon ng proteksiyon laban sa virus.

Read More:  BOC disposes remaining vehicles linked to Discaya couple

Para sa mga local government units, sinabi ni Orbina na dapat magkaroon ng mas madaling access ang mga senior citizens sa bakunahan.

Kabilang dito ang mas madaling registration, pagtiyak sa kaginhawaan sa pagtanggap ng bakuna, magkaroon ng vaccination sites na malapit sa mga komunidad, at tiyakin na ligtas ang mga vaccination centers.

Dagdag pa ng opisyal, umaapela rin ang WHO- Philippines sa publiko na tulungan na i-motivate ang mga nakatatanda nilang kakilala o kamag-anak na magpabakuna na.

Read More:  Labor group pushes ‘no work, no pay’ rule in Senate

Para naman sa mismong mga senior citizens na hanggang ngayon ay may pag-aalinlangan pa rin sa pagtanggap ng covid-19 vaccine, huwag na anilang matakot.

Ayon kay Orbina, base na rin sa report ng DOH, nasa tatlo lamang sa bawat sampung senior citizen sa bansa ang nakatanggap na ng unang dose ng covid-19 vaccine.