Tiniyak ng National Task Force Against Covid-19 na pantay ang gagawing pamamahagi ng donasyong bakuna kontra covid-19 ng Amerika na Johnson&Johnson sa iba’t-ibang rehiyon sa bansa.
Sinabi ni National Task Force Against Covid-19 Chief Implementer at vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr. na nakikipag-usap na sila sa Department of Health (DOH) para siguraduhing mabibigyan ang lahat ng rehiyon ng J&J vaccine nang hindi bababa sa 100,000 doses bawat isa.
Aniya, prayoridad na maipamahagi ang single dose vaccine sa mga senior citizens at mga may comorbidities.
Mababatid na nasa 3 milyong single dose ng J&J covid-19 vaccine ang inaasahang darating sa bansa ngayong buwan mula sa Amerika na dadaan sa COVAX facility.
Samantala, bukod naman sa J&J, nakatakda rin ang pagdating ngayong buwan ng mga bakuna ng Moderna, Astrazeneca, Sinovac at Pfizer.