VP Sara: kaisa ako sa paggiit sa arbitral ruling sa WPS

Nagpaliwanag si Vice President Sara Duterte ukol sa pananahimik nito sa isyu ng harassment sa West Philippine Sea.

Sa pagsalang ng OVP sa budget briefing sa House Committee on Appropriations, sinabi ni Duterte na nagkakaisa ang lahat na ang iginigiit na karapatan ay naka-angkla sa United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS at 2016 arbitral award.

Maninindigan din umano siya sa nakasaad sa Konstitusyon partikular ang pagtataguyod ng isang independent foreign policy habang sa pakikipag-ugnayan sa ibang bansa ay dapat ikonsidera ang pambansang soberanya, territorial integrity, national interest at “right to self-determination”.

Read More:  DOLE Region III director suspended following Pampanga building collapse

Binigyang-diin ng pangalawang pangulo na mahalagang isipin na ang bilateral relations ay hindi nadidiktahan ng iisang isyu lamang tulad ng territorial dispute dahil kasama ang komprehensibong approach na nagsusulong ng shared interests at regional stability.

Paglilinaw pa ni VP Sara, ang pananahimik sa isyu ng harassment ay hindi maaaring ituring na kawalan ng tugon lalo’t marapat na kilalanin na ang desisyon ay ginawa base sa mandato at tungkulin ng mga ahensya ng gobyerno.

Read More:  BOC disposes remaining vehicles linked to Discaya couple

Ang pangulo aniya ang chief architect ng foreign policy kaya ang mga kaukulang ahensya ang dapat na tumugon at magpatupad ng hakbang na may kaugnayan sa foreign policy positions at prinsipyo.

Bilang isang reserve officer ng Armed Forces of the Philippines ay binibigyang-pugay umano nito ang sakripisyo ng uniformed personnel sa paglilingkod tungo sa pambansang interes ngunit dapat iwasan ang pamumulitika para lang sa media soundbites o komentaryo sa social media.