US senators, isinusulong ang batas na magkakaloob ng security assistance sa Pilipinas

Kumpiyansa si House Speaker Martin Romualdez na mapabibilis ang implementasyon ng modernization program ng Armed Forces of the Philippines matapos ang makasaysayang trilateral summit sa Washington, D.C.

Ayon kay Romualdez, palalakasin ng assistance at security cooperation sa Estados Unidos at Japan ang kakayahan ng Pilipinas na mapanatili ang mapagkakatiwalaang defense posture sa harap ng tumitinding hakbang ng China sa West Philippine Sea.

Mahalagang oportunidad aniya ang trilateral meeting para sa strategic collaboration sa mga kaalyadong bansa sa Indo-Pacific region.

Tiwala rin si Romualdez na bibigyang-daan ng mga diskusyon ang pinaigting na kooperasyon para sa pagtataguyod ng defense capabilities at pagsisiguro sa regional security at stability.

Sa katunayan, bago ang trilateral meeting ay isinulong umano ng mga miyembro ng Senate Foreign Relations Committee na sina US Senators Bill Hagerty at Tim Kaine ang “Philippines Enhanced Resilience Act of 2024” o PERA Act, isang panukala na magpapatibay at layong i-modernize ang alyansa ng Pilipinas at Amerika sa pamamagitan ng US security assistance.

Sa ilalim ng panukala, 500 million US Dollars ang Foreign Military Financing grant assistance sa Pilipinas sa bawat fiscal year mula 2025 hanggang 2029 o kabuuang 2.5 billion dollars.

Binigyang-diin pa ng House Speaker na napapanahon nang pag-ibayuhin ang AFP modernization upang epektibong matugunan ang nagbabagong hamon sa seguridad lalo na sa West Philippine Sea upang ipagtanggol ang soberanya at territorial integrity.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *