NAGPALABAS ng bagong pamahayag si Dante Encarnacion Tabosares alyas Bong Encarnacion, ang tinaguriang mastermind sa pagpatay kay Brigada Ed Dizon noong 2019 at mariing itinanggi ang paratang sa kanya.
Kanyang sinabi na biktima lamang din siya ng maling alegasyon na pinagdusahan din niya ng halos 5-taong pagtatago sa batas. Maging siya ay nagnanais ding lumabas na ang katotohan nang sa ganun ay makalaya na rin sa maling paratang.
Hinimok din nito ang pamilya ni Ed Dizon na magsaliksik upang matuklasan nila misno kung sino ang totoong responsable sa pagbaril-patay sa biktima.
Ibinutyag nito na darating din ang araw na lalabas siya upang harapin ang kaso na di naman niya ginawa.
Inilabas ni Encarnacion ang kanyang pamahayag sa pamamagitan ng Press Conference via Zoom kahapon ng umaga, Pebrero 22.
Maalalang pinagbabaril ng mga armadong nakamotorsiklo si Brigada Ed Dizon noong Hulyo 10, taung 2019 sa kahabaan ng Quezon Boulevard, Poblacion, Kidapawan City habang sakay ng kanyang minamanehong kotse na nagresulta ng kanyang pagkamatay na kung saan ay pinaniniwalaang dahil sa pagtuligsa nito sa KaPa Investment Scam na siyang pinamamahalaan din ng naturang suspek.