BNFM BICOL— Kinumpirma ng pamunuan ng Rural Health Unit sa bayan ng Daraga, Albay na nananatili pa ring mababa ang turn out ng vaccination coverage ng nasabing bayan para sa mga batang edad 5 hanggang 11-taong gulang.
Sa isang panayam, sinabi ni RHU Officer – Dr. Cesar Mata, na patuloy aniya ang kanilang panawagan sa publiko lalo na sa mga magulang o guardians na huwag nang mag-alinlangan pang pabakunahan kontra COVID-19 ang kanilang mga anak.
Binigyang diin ng opisyal na walang dapat ikatakot ang mga ito lalo na at dumaan sa masusing pag-aaral ng mga eksperto ang formulation ng bakunang itinuturok sa mga bata, bago ito inaprubahan ng World Health Organization at ng FDA.
Sa kasalukuyan, hindi rin umano problema ang suplay ng bakuna sa naturang bayan kaya’t nakahanda silang magsagawa ng pagbabakuna sa mga batang interesadong tumanggap ng COVID-19 vaccine.###