Tinaasan pa ng Department of Migrant Workers ang tulong pinansyal na ipinaabot nito para sa mga distressed Overseas Filipino Workers at pamilya nito.
Base sa DMW Department Order No. 05 Series of 2024, makakatanggap ang mga concerned OFWs at kaanak nito ng tulong pinansyal na P100,000, P75,000, at P50,000 depende sa sitwasyon.
Dati, P30,000 hanggang P50,000 lamang ang ibinibigay na tulong ng kagawaran sa ilalim ng AKSYON Fund.
Matatandaan nitong Mayo, nang ipag-utos ni Pangulong Marcos sa DMW na gamitin ang P2.8 Billion AKSYON Fund para maprotektahan ang mga distressed OFWs at upang makamit nila ang hustisya at maging ligtas sa anumang panganib sa panahon ng emergency at global crisis.