CAMARINES NORTE- Inanunsiyo ni Bishop Rex Andrew Alarcon ng Diocese of Daet na muling ibinabalik ng pamunuan ng Holy Trinity Cathedral simula kahapon, Hulyo 4 ang nakagawiang pagbabasbas sa mga bata sa tuwing alas 9: 30 ng umagang misa.
Ayon kay Alarcon na siyang Chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, Episcopal Commission on Youth, ngayong pwede nang lumabas ng bahay at dumalo sa misa ang mga bata ay ibabalik na rin ang nakagawiang nahinto ng dalawang taon dahil sa COVID- 19 pandemic.
Naniniwala ang Obispo na importante na palaging hingin ang pagbabasbas sa mga bata na tinawag nitong “essential.”
Panawagan nito sa mga magulang na hindi lang sana ang paglago ng pisikal na aspeto ng mga bata ang pagtuunan ng pansin kundi mahalagang bigyan din ng panahon ang buhay espiritwal.
Importante umano ang paglago ng kaluluwa, pagiging matatag ng puso na kailangan sa pagpapasya upang makita ng mga ito kung ano ang tama at mali.
Matatandaan na kahit matagal- tagal na ring niluwagan ang restrictions sa lalawigan ay pinayuhan pa rin noon ng simbahan na huwag na munang isama ang mga bata sa pagsisimba lalo na noong mataas pa ang kaso ng COVID- 19.
Ngayon, bagamat nakapagtala muli ng ilang kaso ng COVID- 19 ay nasa ilalim ng Alert Level 2 ang lalawigan at pinapayagan ang paglabas sa bahay ng mga bata.
Patuloy rin ngayon ang pagbabakuna kontra COVID- 19 sa mga bata kung saan mataas na rin ang porsiento ng mga batang nabakunahan lalo na ang edad 12- 17.
Batay sa datos ng Provincial Covid- 19 Vaccination operation center nasa mahigit 76 % na ang nababakunahan sa age group na 12- 17.
Sa kabila nito mababa pang masyado ang vaccination Coverage sa age group na 5-11 na nasa mahigit 9 na porsiento pa lang.
