SORSOGON CITY—Nagbabala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Bicol sa mga benepisyaryo ng 4Ps sa lalawigan ng Sorsogon tungkol sa pagsasanla ng kanilang mga ATM cards.
Ayon kay DSWD-Bicol Promotive Services Division Chief Gerlie Avila, bawal isanla ng 4P’s beneficiary ang kanyang ATM card para magkaroon ng cash advances.
Banta ng opisyal, posibleng tanggalan ng financial assistance o kaya’y maalis sa programa ang sinumang benepisyaryo na mapatutunayang nagsanla ng kanyang ATM card.
Anya pa, may mga naiulat na sa kanila na mga benepisyaryo ng 4Ps sa lalawigan ng Sorsogon na nagsasanla ng kanilang ATM cards at gumagawa na sila ng kaukulang hakbang ukol rito pati na rin sa mga indibidwal na pinagsanlaan.
Pahayag pa ng opisyal, karaniwang dahilan kung bakit napipilitan ang mga benepisyaryo na isanla ang kanilang ATM ay kapag kinkapos umano ang mga ito sa pera o kaya ay walang magastos ang pamilya.
Sa huli, binigyang diin ng opisyal na mas mabuting pag-isipan ng mga benepisyaryo ang paggasta at sikaping mapaunlad ang kanilang kalagayan sa buhay sa loob ng itinakdang oras.
