Pansamantalang sinuspinde ng Tiktok mula sa platform nito ang new video creation at live streams sa Russia sa gitna ng pagpasa nito ng “fake news” law kamakailan.
Noong maagang bahagi ng Marso ay pinirmahan ni Russian President Vladimir Putin ang “fake news” law kung saan ay maaring maharap sa 15 taong pagkakakulong ang mahuhuling nagpapakalat ng “false information”.
Wala naman binigay na eksaktong petsa ang Tiktok kung hanggang kailan tatagal ang ban sa content creation sa Russia pero sinabi ng platform na pag-aaralan muna nito ang safety implications ng naturang batas.
Sa official statement ng social network ay sinabi nito na nagsisilbi bilang kanilang highest priority ngayon ang kaligtasan ng kanilang mga empleyado at users ng kanilang application.
Mababatid na marami na rin kompanya ang naunang nagsuspinde ng kanilang operasyon sa Russia, kabilang na ang Netflix, Visa and Mastercard, Paypal, at iba pang retail companies tulad ng Samsung at Ikea.
