Pormal nang hiniling ng Office of the Solicitor General sa Korte Suprema ang pagpapawalang-bisa ng memorandum of agreement sa pagitan ng Commission on Elections at Rappler na nag-ootorisa sa news site na magbalita ng election-related na impormasyon sa halalan sa May 9.
Inihain ito ni Solicitor General Jose Calida sa Korte Suprema pitong araw matapos niyang balaan ang poll body na maari itong maharap sa kaso kung hindi sila susunod sa panawagan ng OSG na mapawalang-bisa ang MOA.
Sa isang pahayag, ay inulit ni Calida ang sinabi niya na labag sa election laws ng bansa at sa Saligang Batas ng Pilipinas ang pagpapahintulot sa partisipasyon ng isang dayuhang korporasyon.
Hinimok ni Calida ang kataas-taasang hukuman na gamitin ang constitutional mandate nito para tigilan ang maraming paglabag sa 1987 Constitution at sa iba pang mga batas pagdating sa execution ng Rappler-Comelec MOA.
Nanawagan rin si Calida sa SC na mag-isyu ng Temporary Restraining Order (TRO) sa lalong madaling panahon.
Binigyang diin ni Calida na deserve ng bawat Pilipino ang malaya, maayos, tapat, payapa, at credible na halalan.
Naniniwala si Calida na hindi ito makakamit kung mapahihintulutan ang Comelec na magpatuloy sa tinawag niya bilang “void” at “unconstitutional” partnership nito sa Rappler.
