KORONADAL CITY- NAGBABALA ang Technical Education and Skills Development Authority o TESDA Region 12 sa publiko laban sa mga nag-aalok at nagbebenta ng National Certificate o NC kapalit ng bayad.
Sa advisory ng TESDA 12, binigyang diin nito na hindi ibinebenta ang National Certificate na kinukuha sa kanilang tanggapan at ang NC ay ibinibigay lamang sa mga isinailalim at pumasa sa competency assessment.
Iginiit ng TESDA 12 na ang NC na inaalok at binebenta ng sinumang indibidwal o institusyon ay peke.
Napag-alaman na TESDA lamang ang may otoridad na mag-isyu ng National Certificate sa mga TVET graduates at Skilled Workers na nakapasa sa Competency Assessment.
Kaugnay nito, hinihikayat ng TESDA 12 ang publiko na i-report sa kanilang tanggapan ang sinumang nagbebenta ng national certificate.
