Teaching supplies allowance ng mga guro, dapat nang maibigay – Kongresista

Ipinanawagan ni Quezon Third District Representative Reynante Arrogancia ang agarang implementasyon ng panukala ngayong taon na magdadagdag ng teaching supplies allowance para sa mga guro.

Lagda na lamang kasi ni Pangulong Bongbong Marcos ang kulang para tuluyang maisabatas ang mas mataas na teaching allowance na ipambibili ng supplies at materyales sa pagtuturo.

Ayon kay Arrogancia, 4.85 billion pesos ang kakailanganing pondo mula sa 2024 national budget upang maipamahagi na ang allowance.

7,500 pesos ang teaching allowance sa unang school year ng implementasyon ng panukalang batas habang sa ikalawang taon ay tataas na ito sa sampung libong piso.

Paliwanag ng kongresista, posibleng magamit bilang source of funding ang maintenance and other operating expenses ng Department of Education na mahigit 143 billion pesos para sa 2024 o di kaya’y unprogrammed funds.

Maaari naman aniyang ipaloob sa 2025 budget ang 9.7 billion pesos na kinakailangan sa school year 2025-2026.

Nasa halos 970,000 umano ang public school teachers sa bansa kung hindi isasama ang personnel na hindi school-based.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *