Tatlong barangay sa Batangas City, walang reklamo sa amoy mula sa LNG

Batangas City – Itinanggi ng mga residenteng malapit sa mga planta ng Liquified Natural Gas na nakakasama sa kanila ang amoy na nagmumula roon.

Sa naging panayam ng Brigada Batangas sa ilang mga residente sa barangay Sta. Rita Aplaya, malinis naman ang plantang malapit sa kanilang lugar at sinisigurado ng mga kompanya na hindi sila maaapektuhan ng amoy nito.

Katugma ito ng sinabi ng Barangay Health Center ng naturang lugar gayundin ng Barangay Sta. Clara dahil anila walang nakakarating sa kanilang reklamo na may nahihirapan sa paghinga o anumang reklamo tungkol sa planta.

Tinungo rin ang mga residenteng nakatira malapit sa isa pang LNG plantation sa barangay Simlong upang malaman kung nakakaranas nga ba sila ng hirap sa paghinga ngunit ang tanging sagot nila ay “totoong may mga naaamoy sila mula sa planta pero hindi sila nakakaranas ng hirap sa paghinga”.

Pero may mga nababalitaan umano sila na may mga naaapektuhan nito dahil sa amoy.

Kaya tinungo rin ang barangay hall mismo ng Simlong at ayon sa isang kawani ng barangay, mayroon talagang ilang residente na nakatira lamang sa tabi ng planta ang nagtutungo sa kanila upang magreklamo tungkol sa nalalanghap na amoy na umano’y may epekto sa kanilang kalusugan, ngunit hindi sigurado o napapatunayan na ito nga ay dahilan ng amoy sa planta.

Ang tangi nilang magagawa ay maipahatid sa pamunuan ng planta na gumawa rin ng aksyon upang hindi na malanghap ng mga residente roon ang amoy na nagmumula sa kanilang planta.

Samantala, ayon sa ilang barangay officials, kung sakaling may mga naaapektuhan nga nito ay agad silang gagawa ng aksyon para maprotektahan ang kalusugan ng kanilang mga nasasakupan.

Matatandaan na ilang ulit na itong inirereklamo Philippine Movement for Climate Justice dahil nga sa amoy na nakakasama sa kalusugan ng mga residenteng malapit sa lugar kung kaya ninanais nila na tugunan ito ng Department of Health at lokal na pamahalaan.