CAMARINES NORTE- Inihayag ng Social Security System (SSS) na tatlo lang sa anim na delinquent employer sa Camarines Norte na isinailalim sa Run After Contribution Evaders (RACE) campaign noong Hulyo ang nag comply.
Ito ang inihayag ni SSS Daet Branch Head Ermina Maria Robredo sa naging panayam ng Brigada News FM Daet isang buwan makaraang isagawa ang RACE campaign.
Ayon kay Robredo ipinasa na nila ang tatlong non- compliant sa legal Department para sa nararapat na aksyon.
Una nang sinabi ng SSS na isang beses lang pupuntahan ng SSS ang mga non- compliant employer para sa RACE campaign dahil bago ito ay napuntahan na rin sila ng mga account officer upang kumbinsihin na i- settle ang kanilang delinquencies.
Bibigyan ng labing limang araw ang mga employer para mag comply sa batas bago ito iakyat sa legal department.
Kapag naiakyat na sa legal department at nabigo pa rin ang mga itong i- settle ang kanilang mga obligasyon ay padadalhan uli sila ng demand letter para mag- comply at kung hindi pa rin ay saka pa lamang dadalhin sa korte ang usapin.
Ayon kay Robredo malaking tulong ang RACE dahil naipapaliwanag ng SSS sa mga employer kung ano ang pwede nilang gawin para i- settle ang mga obligasyon.
Binigyang diin ni Robredo na ang pagsunod sa batas ng SSS ay malaking tulong kapwa sa employer at empleado.
Mayroong umanong iba’t- ibang benepisyo ang SSS sa mga empleado na hindi kailangang balikatin ng employer kung updated ang kontribusyon nito.
“Malaking tulong po kasi during the RACE, or kahit po yung mga employers na hindi nakasali sa RACE may inoofer po kaming yung tinatawag na PRRP program na installment basis po ang kanilang pagbayad,” ani Robredo.
Hinimok din nito ang mga employer na i- avail ang Pandemic Relief and Restructuring Program (PRRP) 3 na tatagal hanggang November 21 nitong taon.
Ang PRRP 3 o Enhanced Installment Payment Program ay mayroong flexible installment terms na nagri- range mula 9- 60 montsh depende sa halaga ng delinquency.
