ARESTADO ng mga elemento ng Shariff Aguak PNP ang suspected carnapper na nasa likod ng pagtangay sa isang motorsiklo sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao.
Sa panayam ng Brigada News FM Cotabato sa hepe ng Shariff Aguak PNP na si Police Major Radzak Musa, matapos na maitimbre sa kanila ang nangyari ay agad itong pinakilos ang kanyang mga tauhan upang mahuli ang suspek.
Habang nagsasagawa sila ng checkpoint sa Barangay Poblacion ay namataan ang suspek na minamaneho ang ninakaw na motorsiklo kaya hindi na nag-alinlangan pa ang mga ito at maayos na pinasuko ang suspek.
Kinilala ni Major Musa ang arestadong suspek na si Nurhasan Adil Makabangen, 21 anyos, may-asawa at residente ng Barangay Pindeten ng bayan ng Datu Salibo.
Dagdag pa ng opisyal na inamin din ng suspek na matagal na nya itong ginagawa at may mga kasamahan din sya sa kanilang ilegal na operasyon.
Nakakulong na ngayon ang suspek sa lockup cell ng Datu Saudi Ampatuan MPS at inihahanda na ang pagsasampa ng kaso laban kay Makabangen.