Pumanaw na ang retail industry icon na si dating Ambassador to the Vatican Bienvenido “Benny” Tantoco kahapon sa edad na 100.
Sinabi ng kaniyang babaeng anak na si Nedy Tantoco, chairman at CEO ng Rustan Commercial Corp., na iuuwi pa sana nila ang kaniyang ama matapos nitong manatili ng isang linggo sa ospital.
Gayunman, hindi nila inasahan na sa parehong araw ay binawian ng buhay ang kanilang ama, na nakapagdiwang pa ng kaarawan noong April 7, dahil sa pneumonia.
Kabilang sa mga naulila ni Lolo Benny ay ang mga anak nito na sina Rico Tantoco, Nedy Tantoco, Marilou T. Pineda, Menchu T. Lopez, Marilen Tantoco at Maritess T. Enriquez.

Naiwan ni Tantoco ang legasiya nito sa retailing sa kaniyang anim na anak, 21 apo, 40 great-grandchildren at isang great-great-grandchild.
Mababatid na nagmula si Tantoco sa isang entrepreneurial clan sa Malolos, Bulacan na sinimulan ni Tan Tok Che, na isang mangangalakal na Chinese.
Mula sa 20 babae na pinangalanan ni Dr. Jose Rizal sa kaniyang tanyang na “Letters to the Women of Malolos”, ay siyam nito ay galing sa angkan ng Tantoco.
Marami rin mula sa mga miyembro ng Tantoco ang naging bahagi ng Katipunan del Norte ng KKK.