Sumukong dating rebeldeng NPA, patay matapos umanong barilin ng dating kasamahan sa Cagayan

Patay ang isang sumukong dating rebelde matapos umano siyang barilin ng kaniyang dating kasamahan na NPA noong gabi ng June 23, 2021 sa Zinundungan Valley, Rizal, Cagayan.

Ang biktima ay kinilalang si Joseph Gamata alyas Ka Ed na nauna nang sumuko sa 17th Infantry Battalion noong 2020.

Ayon sa Cagayan Police Provincial Office, si alyas Ka Ed ay na-recruit sa Anak Pawis at naibilang na miyembro ng NPA noong 2016.

Pagkatapos sumuko ay naging kasapi umano siya ng Cagayan Alliance for Peace and Development (CAPD), isang organisasyon ng mga former rebels na layuning makamit ang kapayapaan at kaunlaran sa bansa at pakikipag-laban kontra sa CPP-NPA-NDF.

Ayon pa sa CPPO, nangyari ang pagbaril-patay kay alyas Ka Ed noong gabi ng June 23 habang natutulog sa kanilang bahay kasama ang asawa at anak na isang taong gulang.

Gnising umano sila ng nasa 10 katao na miyembro ng armadong grupo na nakasuot ng itim na damit at pantalon, at bota na sinasabing pinamumunuan ng isang alyas Sarol na dati nilang kasamahan.

Ayon sa asawa ng biktima, kinaladkad umano sila ng mga ito palabas ng bahay at nakitang binaril sa dibdib si Ka Ed na dahilan ng kaniyang agarang kamatayan.

Agad naman umanong tumakas ang mga armadong katao patungo sa Brgy. Lagum, Sto. Nino, Cagayan.

Batay sa imbestigasyon ng kapulisan, napag-alaman umano ng rebeldeng grupo na ang biktima ang nagbibigay ng mga impormasyon sa mga otoridad kaugnay sa aktibidad ng rebeldeng pangkat sa naturang lugar simula noong siya ay sumuko.

Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang piraso ng fired cartridge ng kalibre 45 na baril ng mga kasapi ng Scene of the Crime Operatives (SOCO).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *