Nanawagan si Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers sa mga kapwa kongresista na amiyendahan at i-upgrade ang Special Investor’s Resident Visa program na ipinagkakaloob sa mga dayuhan.
Ayon kay Barbers, ginagamit na kasi ito ng ilang sindikato ng ilegal na droga, money launderers at iba pang kriminal bilang “ticket” upang makapagtayo ng kuta para sa operasyon sa Pilipinas.
Sinasamantala aniya ng mga indibidwal na may masamang balak ang programang ipinatutupad ng Board of Investments at ginagawang pugad ng ilegal na aktibidad ang bansa.
Ipinaliwanag din nito na sa Book V ng Omnibus Investment Code ay inoobliga ng SIRV program ang investors na mag-remit ng hindi bababa sa 75,000 US Dollars sa bansa at mamuhunan sa feasible economic activities.
Punto ng mambabatas, sa halagang 4.8 million pesos ay maaari nang pumasok ang isang miyembro ng sindikato, manatili at ikasa ang ilegal na gawain na ikinukubli ng SIRV.
Pagbubunyag pa ni Barbers, ang SIRV program ay ginagamit ng maraming Chinese nationals na mayroong retail stores sa Metro Manila at iba pang lugar kung saan nagbebenta ng smuggled na murang produkto mula sa China.
Ito umano ang mga reklamong ipinarating ng Filipino-Chinese community na may local retail businesses ngunit kung hindi man lugi ay nagsara na.
Sinasabing ang SIRV din ang nagsilbi umanong ticket ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at ng kanyang mga magulang upang makapasok sa bansa noong taong 2003.