Umaasa si Senate President Chiz Escudero na magsisilbing tulay siya sa mga daing ng mga transport sector upang maresolba ang kanilang nararanasang problema hinggil sa pagpapatupad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Anya, base sa kanilang naging pagpupulong ng Manibela at PISTON ay lumalabas na kulang at marami pa rin talagang pagkukulang na dapat ayusin ang gobyerno bago tuluyang ipatupad ang nabanggit na programa.
Ayon kay Escudero, bilang mga lingkod bayan ay hindi dapat namimilit ang gobyerno bagkus dapat nag-aakay at nangungumbinsi ang mga ito.
Kasunod nito, ibinahagi ng senador na balak niyang kausapin ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Transportation (DOTr) hinggil dito.
Maliban pa roon, posibleng makipag-usap din umano siya sa mga kalihim ng Pangulo at maging sa Pangulo mismo kung kinakailangan.
Samantala, nilinaw naman ng mga tagapamuno ng dalawang transport sector group na hindi sila tutol sa modernisasyon pero gawin naman sana umano ito sa tamang paraan.