Suportado ng ilang kongresista ang mas malaking pondo para sa Department of Agrarian Reform o DAR sa susunod na taon.
Sa briefing ng DAR sa Kamara para sa proposed budget nito na 11.101 billion pesos sa 2025, pinuri ni Aklan Representative Teodorico Haresco ang performance ng ahensya sa nakalipas na dalawang taon.
Iniulat kasi ni Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III na nakapamahagi na sila ng 136,116 land titles mula sa mahigit 164,000 hectares para sa 138,718 beneficiaries.
Natapos na rin aniya ang dalawampu’t dalawang irrigation systems at dalawampu’t anim na farm-to-market roads ngayong taon.
Nagkaloob umano ng training ang DAR sa 5,931 ARB organizations at nabigyan ng access sa credit at microfinance ang 360 ARBOs at 16,052 ARBs.
Inihayag pa ni Estrella na plano nilang mamamahagi ng mahigit isandaang libong titulo ng lupa at magkaloob ng tatlongdaang libong condonation certificates.
Nais naman nina House Senior Deputy Minority Leader Paul Daza at Cagayan De Oro Representative Rufus Rodriguez na madagdagan ang budget ng DAR upang samantalahin ang momentum ng agrarian reform programs.
Ngunit para sa kalihim, mahalagang mapagbigyan ang hiniling na budget upang maisakatuparan ang pangako ni Pangulong Bongbong Marcos na tapusin ang distribusyon ng lupa pagsapit ng taong 2028.
Ang proposed budget ng DAR ay mas mataas ng 29.4 percent kumpara sa kasalukuyang pondo na 8.579 billion pesos.