Naniniwala si House Assistant Minority Leader Arlene Brosas na tanging ordinaryong Pilipino ang sasalo sa bigat ng buwis na ipapataw sa foreign digital services.
Matapos malagdaan bilang batas ang Republic Act 112023, sinabi ni Brosas na bagama’t may buwis nang sinisingil mula sa local digital service providers ay pahirap na hakbang pa rin ang bagong tax sa international streaming platforms.
Mahalaga aniya ang digital platforms para sa edukasyon at remote work na maaaring mabuwisan din maliban sa accredited educational institutions.
Iginiit ni Brosas na panibagong dagok sa mga estudyante at guro ang 12 percent na value-added tax lalo’t sa digital tools sila umaasa.
Hindi umano patas at “insensitive” ang digital tax sa panahon na umaaray ang mamamayan sa mataas na presyo ng bilihin at mababang sahod.
Muli namang binigyang-diin ng kongresista na sa halip na dagdagan ang pasakit sa mayorya, makabubuting isulong na lang ang alternatibong taxation measures gaya ng wealth tax sa pinakamayayamang indibidwal.
98 billion pesos umano ang maaaring malikom mula sa dalawampung bilyonaryo sa bansa.