Ngayong nakasailalim sa pinakamahigpit na quarantine measures ang Cagayan de Oro, nanawagan si CDO Representative Rufus Rodriguez kay Pangulong Rodrigo Duterte na magbigay ng pinansyal na ayuda sa mga apektadong pamilya.
Ito ay matapos maitala ang 11 local cases ng Delta variant ng COVID-19 sa bansa at lima rito ay mula Cagayan de Oro.
Ayon sa kongresista, ngayong nakasailalim ang siyudad sa enhanced community quarantine (ECQ) di makakapagtrabaho ang mga ito para makabili ng mga pangangailangan sa loob ng dalawang linggo.
Kaya naman nanawagan syang bigyan ng P6,000 financial assistance ang bawat pamilya sa Cagayan de Oro.
Kaugnay nito, hinimok din nya ang National Task Force for COVID-19 na magpadala ng mga eksperto sa kanilang lungsod para mapigil ang pagtaas ng kaso ng Delta variant.
Bukod dito, hiniling din umano nya kay Health Secretary Francisco Duque III na magpadala ng dagdag na COVID-19 vaccines sa lungsod.
Mababatid na kabilang ang Cagayan de Oro, Iloilo Province at Gingoog sa isinailalim sa ECQ hanggang katapusan ng Hulyo.