Umapela ang ilang nga mga mambabatas sa mga transport authorities na muling i-konsidera at pag-aralan ang implementasyon ng bagong schedule para sa mga buses na buma-biyahe mula sa iba’t ibang probinsya ng bansa – papunta at pabalik ng Metro Manila.
Ito ay makaraang ipatupad ang bagong patakaran kung saan, kapag walang special permit ang isang bus ay papayagan lamang itong bumyahe sa window hours na alas-diyes ng gabi hanggang alas-singko ng umaga.
Nanawagan si Senador Joel Villanueva sa DOTr, LTFRB, at MMDA na sana raw ay alalahanin ang kapakanan ng mga komyuter at bigyan pa sila ng karampatang panahon bago ang implementasyon ng bagong scheme na ito.
Giit ng mambabatas, malaki ang epekto nito sa pang-araw araw na kabuhayan ng ating mga kababayan.

Paliwanag ng Senador, nakataya sa desisyong ito ang magiging ekonomiya ng bansa lalo na’t naka-salalay ang trabaho ng mga Pilipino sa mga ruta ng provincial buses.
Hindi lang aniya mga komyuter ang apektado ng bagong scheme, kundi pati na rin ang kita ng mga bus operators, at ang mga drayber.
#